Pansit bihon, ginawang dessert na ube cake sa Davao Occidental

Viral ang pakulo ng isang babae dahil sa kaniyang ube cake o kakanin na hindi gawa sa galapong o harina, kundi sa Pansit Bihon sa Davao Occidental. Ano naman kaya ang lasa nito?
Sa nakaraang episode ng "I Juander," itinampok ang ube pansit cake ni Riza Dabon.
"Since bata pa ako, gusto ko talaga na maging chef. Parang hobby ko na na magluto-luto. Dahil sa kahirapan ng buhay, kasi 'yung papa ko fisherman lang siya. Tapos minsan walang huli, kapos talaga sa buhay. Kaya hindi ko natupad 'yung pangarap ko na maging chef," kuwento niya.
Hindi man nakatapos ng pag-aaral, nagsariling sikap si Riza na mag-aral na magluto.
Social media ang nagsilbi niyang kusina. Inspirasyon ang pamilya sa bawat recipe na kaniyang ibinabahagi.
Dahil sa kaniyang pag-eeksperimento, nakagawa siya ng pansit ube cake na nag-viral.
"Never pa din po ako naka-try nu'ng pansit ginawang dessert. So kaya na-curious din ako.
So naisipan ko na, why not i-try ko 'to para i-share din sa mga tao. Hindi naman lahat ng tao mayroong pera kayang afford, 'di ba? Naisipan ko na, gawing espesyal 'yung pansit, gawing kung ginawa ko mayroong twist," sabi niya.
Saktong kasabay ng ube craze sa maraming bansa ang pansit ube cake ni Riza.
Sa likod nito, dumanas din ng hirap ang buhay ng pamilya nina Riza.
"Noon unang panahon kasi mahirap talaga. Walang cake talaga kasi walang pera, "yung pambili ng cake… 'Pag mayroong birthday sa ibang bahay o kapitbahay lang, doon lang sila makatikim ng totoong cake," sabi ng ina ni Riza.
Tunghayan sa "I Juander" kung paano ginagawa ni Riza ang pansit ube cake, at ang madamdamin niyang mensahe nang makagawa na siya ng cake para sa kaarawan ng kaniyang ina. — Jamil Santos/ VDV GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.