The Jerusalem Post'Dangerous incitement': Bar Association demands Smotrich remove AI video featuring justices, A-Gוואלהזיהום חריג בנחלים בצפון; משרד הבריאות מזהיר מכניסה למיםESPN DeportesBalón Oro: Beckham elige a Messi sobre MbappéESPNUSMNT's first post-World Cup squad is missing biggest summer starsBollywood HungamaAnjali Arora gives her take on the ongoing Ranbir Kapoor - prasad controversy; says, “Prasad is God’s blessing, it doesn’t increase weight”InquirerMarcoleta’s press conference inside Sandiganbayan is allowed – BJMPBusiness AMRusland houdt grote militaire oefening met gevechtsvliegtuigen en scherp vuur in KaliningradBillboardHow to Watch the 2026 iHeartRadio Music Festival Stream Online for FreeVarietyFan Bingbing, Pedro Pascal, John Malkovich, Javier Bardem Films Lead Tokyo Festival’s Gala SelectionDeadlineMeghann Fahy Set For Limited Series ‘Smokeshow’ From SK Global, David E. Kelleyالشرق"واتساب" يختبر دعم 3 حسابات على هواتف آيفونGlobal NewsWhat the U.S. Fed hiking rates means for the loonie and for borrowers
The Daily Newsstand · Free, Always
Thursday, September 17, 2026

BALIKAN: Pagpatay sa 'Sisig Queen' na si Lucia Cunanan, sino nga ba ang may gawa?

Translate

Naging sikat si Lucia Cunanan o Aling Lucing bilang “Sisig Queen” sa Pampanga, matapos niyang aksidenteng madiskubre ang pagluto sa sikat niyang putahe para sa mga Pinoy. Ngunit noong 2008, naging laman muli siya ng mga balita matapos siyang brutal na paslangin sa loob mismo ng kaniyang tahanan. Sino nga kaya ang pumatay sa kaniya? Alamin.

Sa “Philippine Controversies Revisited” ni Emil Sumangil, binalikan ang buhay ni Aling Lucing at ang kaniyang “Aling Lucing Sisig,” na naging institusyon na sa Angeles City, Pampanga, pagdating sa lutuing Pinoy.

Tubong-Tarlac talaga si Aling Lucing, na lumipat sa Pampana matapos mapangasawa si Victorino Cunanan o “Apung Tino,” na taga-Angeles City.

Sa naturang siyudad na rin nila itinaguyod ang pito nilang anak at pinalago ang kanilang negosyo na kainan.

Lingid sa kaalaman ng marami, aksidente lamang natutunan ni Aling Lucing ang sikat na Sisig. Dekada 70s nang hindi niya sadya umanong masunog ang inihaw niyang tenga ng baboy.

Dahil dito, tinadtad na lamang ni Aling Lucing ang tenga, saka nilagyan ng suka, paminta, asin at sibuyas. Saka niya ito pinangalangang “Sisig.”

Nakatanggap si Aling Lucing ng mga award matapos niyang ilagay sa balita ang Sisig ng mga taga-Angeles.

Pagkamatay ni Aling Lucing

Abril 15, 2008, isang araw bago ang pagpaslang kay Aling Lucing, kasama pa niyang namasyal ang dalawa niyang kasama sa bahay-- ang mister na si Apung Tino at ang kasambahay nilang si Minda Reconcillo.

Nagmula sa Camarines Sur sa Bicol si Minda at dalawang buwan pa lamang noong namamasukan sa pamilya Cunanan.

Kinabukasan, bandang 2:30 a.m. Abril 16 nang muling magpagising si Aling Lucing kay Apung Tino para magpabili ng pagkain. Hindi ito problema kay Victorino dahil nakagawian na niya ang gumising bago pa sumikat ang araw para maglakad.

Ngunit pag-uwi ni Apung Tino bandang 5 a.m., hindi niya inaasahan na isa nang malamig na bangkay na madadatnan niya ang kaniyang misis.

Halos maligo na sa sariling dugo si Aling Lucing sa dami ng tinamong saksak. Batay sa resulta ng autopsy, 29 na saksak sa sa katawan ang tinamo ng biktima.

Imbestigasyon

Isang task force ang agad isinagawa para imbestigahan ang pagpatay kay Aling Lucing. Gayunman, nahirapan ang mga awtoridad na matukoy ang suspek at ang motibo nito, lalo’t hindi nila matagpuan ang murder weapon o kutsilyo na ginamit sa pagpatay.

Bukod pa sa mga nagkagulong gamit, ang posibleng iniwan lamang ng suspek ay ang mga bakas ng paa sa kuwarto.

Para sa pamilya Cunanan, posibleng pagnanakaw ang motibo ng suspek, matapos mawala ang dalawang gold wedding ring, isang pitaka na may lamang P1,000 at isang gold necklace.

Nagkaroon naman ng dents ang cash vault o kaha de yero ng mga biktima, na palatandaang may sumubok buksan ito. Ang martilyong nahanap ni Apung Tino sa tabi ng labi ng kaniyang asawa ang posibleng ginamit ng mga suspek para buksan ito.

Mga posibleng suspek

Ayon sa mag-anak, hindi ito ang unang pagkakataon na may nanloob sa bahay ng mag-asawa.

Nahuli noon ng kapulisan ang dalawang lalaking dating nanloob kina Aling Lucing at Apung Tino, ang magkapatid na Jimmy at Jason Arandia. Gayunman, napatunayang walang sapat na katibayan, para idawit sila sa kaso, ayon sa pulisya.

Ang mga kapitbahay naman ng mag-asawa, may namataang isang lalaking umaali-aligid sa bahay ng mga Cunanan, na alam ang routine ng pag-alis ng bahay ni Apung Tino.

Gayunman, hindi na natukoy ang pagkakakilanlan ng pinaghihinalaan nilang lalaking nakapula na nagmanman ‘di umano sa bahay ng mag-asawa.

Kaya sa kabila ng mga salaysay, bukod sa nakita ng mga imbestigador na walang marka o senyales ng “forced entry” o puwersahang pagpasok sa loob ng bahay, hindi naging matibay ang anggulong pagnanakaw sa murder case ni Aling Lucing.

Kilala ang suspek?

Kaya kung ang mga kapulisan ang tatanungin, posibleng kilalang kilala ni Aling Lucing ang suspek.

Dalawang araw matapos ang krimen, sinampahan ng Angeles City Police ng kasong parricide si Apung Tino, bagay na mariing inammahan ng biyudo.

“Hindi ko puwedeng gawin ‘yan sa asawa ko. Sa loob ng 65 taon na nagsama kami, ni sampal, hindi ko sinampal ‘yun. Ni kurot, hindi ko kinukurot. Nagmahahalan kami talaga,” sabi niya.

Ang nagdiin kay Apung Tino sa kaso, ang salaysay ng katulong na mag-asawa na si Minda.

Batay kay Minda, kahit dalawang buwan pa lamang siyang namamasukan sa pamilya Cunanan, ikinuwento sa kaniya ni Aling Lucing ang problema nilang mag-asawa.

Kinukupitan umano si Aling Lucing ng kaniyang mister, at mayroon pa itong ibang kinakasama. Napapansin din ni Minda na madalas nagtatago ng kutsilyo sa loob ng kuwarto si Aling Lucing.

Lagi din umanong nagsisigawan ang dalawa. At huling beses niyang narinig na sumigaw si Aling Lucing noong mismong madaling araw na nangyari ang krimen. Tiningnan niya ang kuwarto ng mag-asawa, ngunit walang naaninag dahil madilim.

Hanggang sa nakarinig si Minda ng mga yabag. Ang nasa isip niya noon, si Apung Tino na pupunta lamang sa kusina. Sunod niyang narinig ang pagtulo ng tubig mula sa gripo sa kusina na tila may naghuhugas.

Base sa salaysay ni Minda, sumigaw si Lolo Victor ng “Diyos ko, sinong may gawa nito?!”

Para sa pamilya, walang motibo at kapasidad si Apung Tino para patayin ang sarili nitong asawa. Pinabulaanan din nila ang testimonya ni Minda sa kapulisan.

Normal nang magtago si Aling Lucing ng mga bagay, pati kutsilyo, para hindi niya ito malimutan, ayon sa bunso nilang anak na si Zenaida Cunanan.

Pangalawa, sadyang mahina na ang kanilang pandinig kaya palagi ang sigawan nilang mag-asawa. Pangatlo, hindi na bagong balita sa pamilya ang pambababae ni Apung Tino.

Katunayan, natagalan si Apung Tino bago nakauwi noong madaling araw na pinaslang ang kaniyang asawa dahil dumaan para muna siya sa bahay ng “kaibigan” niya ‘di umano.

Pinabulaanan ni Apung Tino ang salaysay ni Minda na may narinig itong may naghuhugas sa lababo. Ipinakita ni Apung Tino na malayo ang lababo mula sa kuwarto kaya imposible niya itong marinig.

Nagdududa rin ang mag-anak sa testimonya ni Minda dahil matapos itong magbigay ng salaysay sa kapulisan, naglaho ito na parang bula.

Pinakinggan noon ng mga awtoridad ang parehong panig ngunit sa huli, mas matimbang para sa kanila ang salaysay ng katulong na si Minda.

Mas lumakas pa ang kaso laban kay Apung Tino nang ilahad ni Minda na tanging si Apung Tino lamang ang labas-masok sa bahay dahil siya lamang ang may hawak ng susi.

Mayo 23, 2008 nang magsumite ng counter-affidavit si Apung Tino sa Prosecutor's Office sa Angeles City. Pero dumaan ang mga taon at hindi umusad ang kaso.

Negatibo ang lumabas na resulta mula sa PNP Regional Crime Laboratory Office 3 tungkol sa mga bakas ng paa na pina-examine kabilang na ang kay Apung Tino.

Sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Controversies Revisited sa Angeles City Prosecutor’s Office para sa kaso ni Aling Lucing, na-dismiss ang kasong parricide noong 2011 laban kay Apung Tino dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Pumanaw na si Apung Tino noong 2017 sa edad 95. Pumanaw na rin ang anak nilang si Zenaida noong 2021 dahil sa cancer. At hanggang ngayon, walang linaw kung sino ang pumaslang kay Aling Lucing.—FRJ GMA News

View the original on GMA News

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.