The Daily Newsstand · Free, Always
Tuesday, October 27, 2026

Buntis, muntik mahagip ng motorsiklong mabilis ang takbo; pero kasama niyang bata, nasapul

Translate

Sugatan ang isang bata matapos mabundol ng isang motorsiklo na mabilis ang takbo sa Valenzuela City nitong Lunes. Ang kasama ng bata na isang buntis, mabuting nakaiwas.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Mabolo.

Sa video footage, makikita na mabilis ang arangkada ng dalawang motorsiklo hanggang sa mabundol ng isa ang tumatawid na batang 12-anyos at nasagi naman ang kasama nitong buntis na 31-anyos.

Kapuwa tumilapon ang batang babae at ang rider.

Ayon kay Lorence Santiago, kapatid ng mga biktima, hindi makalakad ang 12-anyos na babae.

“Masakit po yung balakang niya, nabugbog yung siko niya pati balakang saka paa. Yung ate ko naman po ok naman po. Eight months na po kasi yung [buntis] buti hindi siya yung nabundol,” saad niya.

Ayon sa mga awtoridad, sumuko ang rider na nakabangga sa mga biktima. Sinubukan umano nitong makipag-areglo sa kampo ng mga biktima.

Sinabi ni Santiago na itinanggi pa noong una ng rider na nakainom siya. Pero umamin umano ang kasama nito nang tanungin na sila ng mga pulis

“Mga kamote po kasi talaga sila. Marami po talaga dito sa amin. Dapat talaga may mga nagbabantay katulad ng checkpoint,” mungkahi niya.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang rider na nahaharap sa kaukulang reklamo. – FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.