Ano ang batas laban sa pamboboso at puwede bang basta i-post ang ganitong video online?

Nag-viral ang huli-cam na pamboboso ng isang lalaking college student sa isang babae habang nasa loob ng isang tindahan sa Muntinlupa City. Ang estudyante, palihim na kinukunan ang ilalim ng palda ng biktima gamit ang cellphone. Ano nga ba ang batas mga at parusa laban sa pamboboso, at puwede bang basta i-post ang ganitong video online? Alamin.
Sa segment na Ask Atty. Gaby Concepcion sa programang Unang Hirit nitong Lunes, sinabing maaaring makasuhan ang ginawa ng estudyante ng paglabag sa Republic Act No. 9995 o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Ayon kay Atty. Gaby, ito ang pinaka-malinaw na batas kapag may palihim na pagkuha ng larawan o video ng pribadong bahagi ng katawan nang walang pahintulot ng nasabing tao.
Kabilang umano sa ipinagbabawal ang pagkuha ng larawan o video ng private area nang walang pahintulot, gayundin ang pagkopya, pagbebenta, pamamahagi, pag-publish o pag-broadcast ng naturang materyal.
Ang ganitong kasalanan ay may parusa na pagkakakulong ng hanggang pitong taon at multa na maaaring umabot ng hanggang kalahating milyong piso.
Mayroon ding Republic Act no. 11313 o ang Safe Spaces Act, na tinatawag ding “Bawal Bastos” Act of 2019, na puwedeng ikaso sa namboboso. Mas malawak umano itong batas laban sa gender-based sexual harassment, kabilang ang mga gawaing sekswal na nangyayari sa public spaces. Sakop din nito ang iba't ibang uri ng unwanted sexual acts at lewd sexual actions.
Idinagdag ni Atty. Gaby, na maaaring maharap din sa kasong krimen ang pamboboso sa unjust vexation, na isang “catch all” na krimen sa ilalim ng Revised Penal Code. Ito umano ang ikinakaso laban sa kahit na anong kagagawan ng isang tao – na hindi physical in nature – na ang resulta ay matinding inis, asar, pagbagabag sa isang tao.
Gayunman, sinabi ni Atty. Gaby na ang parusa tungkol dito ay 1-30 araw na pagkakakulong lamang, na tila hindi umano sapat sa paglabag sa privacy at pagsalaula sa dignidad ng isang babae.
Samantala, sa pamamahagi ng mga impormasyon o sensitive personal information ng isang tao – kasama na ang mga larawan o video ng isang tao, ito ay RA No. 10173 o Data Privacy Act of 2012. Maaari umanong iutos ng National Privacy Commission na ipatanggal ang mga naka-upload na video na nakapost sa internet. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.