Binatilyong tumatawid sa pedestrian lane, nasalpok ng tricycle sa Antipolo

Isang menor de edad na lalaki ang nasalpok ng tricycle habang tumatawid sa pedestrian lane sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabi ng uploader ng video na nangyari ang insidente sa Barangay San Roque.
Huminto naman ang tricycle driver at isinakay ang menor de edad matapos niya itong masalpok.
Sinabi ng hepe ng Public Transport Regulatory Board na ipinatawag niya ang driver at operator ng tricycle na natuklasang mag-ama.
Humingi sila umano ng paumanhin sa nangyaring insidente.
Dinala nila ang biktima sa ospital at nangakong sasagutin ang pagpapagamot sa kaniya.
Ayon naman sa kuya ng biktima, sumailalim sa x-ray ang kaniyang kapatid nitong Martes.
Naglabas na ng show-cause order ang Land Transportation Office laban sa operator at driver ng tricycle dahil sa nangyari.
Suspendido rin ng 90 araw ang lisensiya ng nakabanggang driver ng tricycle. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.