Lalaking nagpanggap na delivery rider, arestado sa pagnanakaw sa ilang establisimyento

Arestado ang isang lalaki na nagpanggap na delivery rider at nahuli-cam na pinagnakawan ang apat na establisimyento sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang pagparada ng isang lalaki na aakalaing delivery rider sa labas ng isang restaurant sa Barangay St. Ignatius dakong 4:30 a.m. noong Oktubre 19.
Nang makapasok sa restaurant, nagtungo ang lalaki sa kaha at hinalugog ang iba pang gamit saka umalis.
Tinangay na pala niya ang P50,000 na pera at isang mamahaling cellphone. Kinaumagahan na natuklasan ng empleyado ang pagnanakaw.
“Nu’ng pagpasok nila, napansin nila na ang pintuan ng kanilang establishment ay bukas na. At nu’ng kanilang tsinek 'yung loob ng restaurant, nakita nila na magulo na 'yung counter at iba pang mga gamit sa loob ng restaurant,” sabi ni Police Lieutenant Geoffrey Lim, Commander ng Project 4 Police Station.
Bago nito, sapul din sa CCTV ang suspek na nagnakaw sa isa pang restaurant bandang 2:40 a.m., kung saan nakuha ang P10,000 na pera at laptop.
Nasundan sa compound ng Quezon City Hall ang 32-anyos na suspek nitong Martes sa follow-up operation ng pulisya.
Nagpumiglas pa ang lalaki nang dakipin ng mga operatiba ng Project 4 Police Station.
“Natunton natin 'yung lugar kung taga-saan ito at pati kung sino itong ating suspek. Actually, itong suspek natin ay dayo. Hindi siya taga Quezon City but residente ng Manila,” sabi ni Lim.
Nahanap naman sa Santa Cruz, Maynila ang motorsiklo na ginamit umano ng suspek sa ilang beses na pagnanakaw. Pinalitan na ang ibang parte ng motor.
Lumabas sa imbestigasyon na nanloob din ang suspek sa isang nail spa noong Setyembre 21, at nangpuntirya ng isang coffee shop noong Setyembre 17.
Nangyari sa Quezon City ang lahat ng pagnanakaw.
Batay sa pulisya, bahagi ng modus ang suspek ang magpanggap bilang delivery rider.
“Iba’t ibang klase ng mga suot ng delivery riders natin ang ginagamit niya tuwing siya ay nagnanakaw. At ang ginagawa po nito, bago siya magnakaw, lumalapag siya doon sa area, nagsu-survey, at tumitingin siya kung ano 'yung mga possible na mga establishment na pwede niyang pagnakawan,” ani Lim.
Bigo namang mabawi ang mga ninakaw na gamit at pera.
Batay sa tala ng QCPD, dalawang beses nang nabilanggo ang suspek dahil sa pagnanakaw.
Sinampahan na siya ng reklamong robbery at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. Nagsampa na rin ng mga karagdagang reklamo ang mga naunang establisimyento na nilooban. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.