Sekyu na dating karelasyon, suspek sa pagbaril at pagpatay sa babae sa Cebu City

Crime of passion ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa nahuli-cam na pagbaril at pagpatay ng isang babae na pharmacy attendant sa Cebu City. Ang suspek, security guard na dating karelasyon at katrabaho ng biktima.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, sinabi ni Police Lt. Col. Gerard Ace Pelare, DCDO, CCPO, na batay sa nakalap nilang impormasyon, nakatanggap ng pagbabanta ang biktima mula sa lalaki matapos silang maghiwalay.
“We can consider this as a crime of passion. Ang suspect is motivated by rage dahil sa kanilang relasyon (na nagtapos),” dagdag ni Pelare.
Umaga nitong Martes nang mahuli-cam ang pagbabae ng biktima mula sa pampasaherong jeepney sa Barangay Calamba para pumasok na sana sa kaniyang trabaho.
Makikita naman ang pagdating ng salarin na nakamotorsiklo mula sa kabilang direksyon ng kalsada, at nag-U-turn at nilapitan ang biktima.
Bumaba ng motorsiklo ang salarin at agad na pinagbabaril ang biktima na tinangkang hawiin ang baril ng salarin.
Natumba sa gilid ng daan ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at leeg. Kaagad naman sumakay sa motorsiklo ang salarin at umalis.
Hindi binanggit ng pulisya ang pangalan ng suspek habang patuloy ang pagtugis sa kaniya ng mga awtoridad. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.