Sanggol, patay sa salpukan ng motorsiklo at tricycle sa Laoag City

Nasawi ang isang sanggol na apat na buwang gulang nang magkasalpukan ang isang motorsiklo at isang tricycle sa Barangay 28 sa Laoag City, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, makikita sa video footage na umikot ang tricycle sa lakas ng banggaan ng dalawang sasakyan, habang sumemplang ang motorsiklo.
Nasawi ang sanggol na nakasakay sa tricycle, at sugatan din ang dalawang menor de edad na nakasakay dito, ayon sa pulisya.
Sinabi umano ng driver ng tricycle na sinubukan niyang iwasan ang motorsiklo kaya ang sidecar nito ang nagtamo ng matinding pinsala.
Nakatakda umanong mag-usap ang driver at ang rider, na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag, ayon sa ulat.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.