ESPNFollow live: Halpin's two-run homer puts Guardians back on topDaily MaverickBRICK BEASTS: Special needs learners win national prize for turning plastic waste into sports gearThe Jerusalem PostUS cities, counties mark October 7 as Day of Remembrance three years after Hamas massacreESPN DeportesMLB Playoffs: EN VIVO Rays dan la voltereta con triple de SimpsonRTP DesportoPortugal - AngolaDeadlineBrad Caleb Kane On Making ‘Crystal Lake’ A “Small Town Show” In Same N.J. Locations Where ‘Friday the 13th’ Filmed, “Faithfully” Recreating An Iconic Scene & “Twin Peaks-y” Ideas For Season 2ZDF heuteEntdecken Sie das ZDF-NachrichtenstudioVilaWebLa UE demana mesures urgents a la Comissió Europea per un hivern marcat pels preus alts de l’energia7sur7Un héros inattendu: le jeune Keita sauve l’Union face à la SociedadFootball ItaliaSpalletti: ‘Kolo Muani and Woltemade can play together, but what about Alajbegovic?’EuronewsAzerbaijan hosts rare summit of both converging and opposing Middle East and Asian leadersRai NewsNetanyahu ammette: “007 egiziano in Israele prima del 7 ottobre"
The Daily Newsstand · Free, Always
Thursday, October 15, 2026

Glaiza De Castro, emosyonal na inalala ang ama na pumanaw dahil sa cancer

Translate

Hindi napigilan ni Glaiza De Castro na maging emosyonal nang ibahagi sa unang pagkakataon ang kaniyang nararamdaman sa pagpanaw ng kaniyang butihing ama dahil sa sakit na cancer noong nakaraang taon.

“Hindi ko alam kung na-disclose ko to before, pero, cancer po,” sabi ni Glaiza sa kaniyang nakaraang guesting sa “I-Listen with Kara David,” kaugnay sa naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang ama.

“Sorry po. I never really talked about anything tungkol po dito,” naiiyak niyang sabi, na nilinaw na saglit lamang ang naging pakikipaglaban ng kaniyang ama sa cancer.

Ayon kay Glaiza, nakitang may problema sa atay o liver ng kaniyang ama kaya sumailalim ito sa biopsy. Hanggang sa unang yugto ng 2025 nang ma-diagnose na ito na may stage 4 cancer na.

“Tina-try namin i-figure out kung ano 'yung best way. So, na-consider namin na magpa-therapy, ganiyan. Tapos, siya, okay naman din siya until, nag-give up na siya sa mga medications. Ayaw niya na, nahihirapan siya,” sabi ng aktres.

Dagdag pa ni Glaiza, hindi na rin nagustuhan ng kaniyang ama ang pabalik-balik sa ospital at ang pag-inom ng mga gamot.

“Tapos, finally, nag-agree kami na mag-palliative care. So, from, from early 2025, nawala siya nu'ng July. So, hindi, hindi na rin siya talaga kumbaga, nagtagal,” pagpapatuloy ni Glaiza.

Ayon pa sa aktres, hindi naiwasan sa kaniyang isipan noon na sa bawat aalis siya ng bahay ay maging huling pagkakataon na makikita niyang buhay ang ama.

“So, 'yung everyday, na, nakikita ko siya. Parang, ‘pag aalis ako, ‘Eto na ba? Eto na ba ‘yun? Eto na ba 'yung time na huli ko siya makikita? Parang ganu’n. Parang hindi mo maiwasan na hindi isipin 'yun eh,” aniya.

Nasa Japan si Glaiza nang pumanaw ang kaniyang ama.

“So hindi ko na siya nakita sa hospital. Hindi ko na siya… And I think, baka ganu'n nga ako bilang, bilang anak na mas gugustuhin ko, mas pipiliin ko na lang na hindi makitang nahihirapan siya,” saad niya.

“Kasi, nasa utak ko 'yun, nasa isip ko 'yun, forever. Hindi 'yun mawawala sa utak ko. Lagi ko 'yun maaalala kung ano 'yung huling sandali niya,” pagpapatuloy niya.

Huling pagkikita

Inalala ni Glaiza ang huli nilang pag-uusap ng ama bago ito pumanaw.

“Nu'ng umalis ako, early flight kasi 'yun, so parang dapat magpapaalam pa ako sa kaniya. Mga alas tres siguro ng madaling araw 'yun, umalis ako. Dahan-dahan pa ako umalis eh. Kasi, nu'ng the night before, niyayabang ko pa sa kaniya 'yung sapatos ko na, ‘O may nagbigay sa'kin ng ganito. Terno kami ni David,’ ‘Ang ganda,’” kuwento ni Glaiza.

Maayos pa umani ang kalagayan ng ama noong huli nilang pagkikita.

“Tapos, 'yun na na 'yung huli na parang okay naman siya eh. Kasi ganu'n po 'yung cancer, minsan okay 'yung pasyente, minsan hindi,” aniya.

Pag-alala ng aktres, ganito rin ang nangyari yumaong direktor at aktor na si Ricky Davao, malusog pa noong huli niyang makatrabaho. Ngunit matapos ang ilang buwan, mabilis lamang na nag-deteriorate ang katawan nito.

Sa mga natitirang buwan ng kaniyang ama, nagsalit-salitan silang magkakapatid sa pagbabantay dito sa kanilang bahay.

Habang nasa Japan, nabalitaan ni Glaiza na muli itong naospital. Ito na pala ang mga huling sandali ng ama.

“So, akala ko, ano lang siya parang normal na araw na okay si tatay, dinala ulit sa ospital. Pero iaalis din 'yun mamaya, iuuwi din siya. Pero nu'ng gabing 'yun, ayun, ano na siya,” sabi niya.

Pakiramdam ni Glaiza, sinakto ng ama ang pamamaalam nito sa kaniyang pag-alis.

“Feeling ko nga eh, feeling ko nga, talagang tiniming (timing) niya na aalis ako of all times na nandu’n ako. Na minsan, magbaba-bye ako sa kaniya tapos matatandaan ko 'yung mukha niya na, ‘Tay, aalis muna ako.’ Tapos, minsan, habang nasa trabaho ako, 'yung ayaw kong, kahit na naiisip ko, pero tina-try ko alisin sa utak ko na baka makatanggap ako ng message niya,” pagbahagi niya.

“Pero, bakit noong time na nasa ibang bansa pa ako?” tanong ni Glaiza.

Hindi raw makapagdesisyon si Glaiza noong gabi na nabalitaan niya na naghihirap na ito, at pinapapirma na ang kaniyang kapatid ng waiver.

“Hindi din ako maka-decide kung ano bang gagawin natin? I-revive pa natin siya? Kapag ni-revive ba natin siya, kakayanin ba ng katawan niya? Kasi baka 'yung quality ng buhay niya hindi na rin gano'n kaganda eh kung pipilitan pa natin eh,” patuloy niya.

Napalampas ang huling pag-uusap

Kalaunan, tumawag na ang kaniyang ina noong madaling araw, pero hindi niya nasagot dahil nakatulog na siya sa pagod.

“'Yun 'yung message na ayaw na ayaw ko matanggap,” sabi ni Glaiza.

“Tapos nakita ko 'yung message ng nanay ko na 'yung missed calls niya tapos sabi niya parang ‘Cha, baka gusto mo kausapin 'yung tatay mo kahit marinig na lang 'yung boses mo.’ Hindi ko pa rin nagawa. Tulog ako. Hindi ako nagising in the middle of the night,” ayon kay Glaiza.

Lumipas ang isang taon at unang anibersaryo ng kamatayan ng ama, pakiramdam ni Glaiza na hindi sila nagkaroon ng maayos na pagpapaalam.

“Sabi ko, ‘Tay, ano ba? Hindi ba talaga tayo nag-bye-bye? Sorry kung hindi ako nakapagpaalam.’ Pero gano'n ba talaga tayo bilang anak mo?’”

Ayon kay Glaiza, hindi sa salita makikita ang pagmamahal ng kaniyang ama.

“'Yung dynamic namin ni tatay hindi siya nag-center around sweet words or affection na nararamdaman na lang. So, I think 'yun 'yung parang lagi kong babaunin sa kaniya,” saad niya.

Pasasalamat

Pinasalamatan ni Glaiza ang ama, na paniwala niya, tumulong sa panalangin para magkaroon sila ng anak ni David.

“And I think after a year, ‘di ba? Kasi ilang beses din namin pinagpi-pray na magkaroon ng baby. The following year, binigyan Niya ako ang baby. So, parang isa rin sa mga siguro nasabi ko nu'ng time na nalaman ko nu'ng nag-positive ako, sabi ko, “Tay salamat!,’” sabi ni Glaiza, na ipinagbubuntis ang una nilang supling ni David. – FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.