The Daily Newsstand · Free, Always
Tuesday, September 29, 2026

7-anyos na lalaking angkas sa motorsiklo, patay nang mabangga at magulungan ng closed van sa Bulacan

Translate

Patay ang isang batang pitong-taong-gulang na angkas sa motorsiklo na minamaneho ng kaniyang amain, matapos silang masalpok at magulungan ang biktima ng isang closed van sa Guiguinto, Bulacan.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa CCTV footage na patawid noon ang motorsiklo na sinasakyan ng biktima sa MacArthur Highway dakong 11 a.m. noong Miyerkoles nang maganap ang insidente.

Nakaladkad pa ng van ang mga biktima ng ilang metro bago nakahinto.

Kalunos-lunos ang sinapit ng batang angkas na dalawang beses magulungan. Nang makatayo ang rider, binuhat niya ang bata para humihingi ng tulong.

Nadala pa sa ospital ang bata pero nasawi rin kalaunan.

Hirap tanggapin ng mga kaanak ang sinapit ng biktima na grade 2 student.

“Ang bigat po para sa amin ng pamilya ko. Masasabi ko lang, ilalaban ko po 'yung hustisya para sa anak ko. Malambing po 'yung anak ko na ‘yan. Malambing. Pagalitan mo ‘yan, hindi ‘yan lalaban. Mananahimik lang po ‘yan,” sabi ni Mica Macalino, ina ng bata.

Napag-alaman na sinundo noon ng amain na si Jastley Samson sa eskuwelahan ang bata. Pauwi na sila nang mangyari ang trahediya.

Nagtamo ng mga sugat at galos si Samson sa binti at hita.

“Huminto po ako at nag-signal light naman po ako. Pagkatapos po noon, 'yung truck po bigla pong bumangga. Nu’ng una mahina lang tapos dinire-diretso niya po ako hanggang sa malayo na po ‘yung napuntahan namin,” ani Samson.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagmula ang closed van sa Balagtas at patungo sa Guiguinto.

“'Yung mag-ama na magkaangkas ng motor, pa-cross ng daan, going sa kabilang daan, then itong truck na allegedly nawalan ng preno, kaya nasuro po 'yung motor, then napailalim po 'yung biktima, which is 'yung bata,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Francis Magadia, Acting Chief Of Police, Guiguinto Municipal Police Station.

Sinampahan ng 68-anyos na driver ng closed van ng reklamong reckless imprudence and assaulting in homicide, physical injury, and damage to property. Nakapagpiyansa siya nitong Lunes.

Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang kaniyang panig.

Sinabi ng mga magulang ni Yuan na itutuloy nila ang reklamo.

“Sana dapat din niya na lang ginamit kasi una sa lahat driver siya, alam niya mahina 'yung preno, dapat din niya na lang inilabas ng kalsada 'yung kaniyang dina-drive,” sabi ni Samson. – Jamil Santos/FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.