Batang estudyanteng may sira nang sapatos, tinulungan ng kaniyang nagmalasakit na guro
_2026_10_29_16_18_05.jpg)
Ipinamalas ng isang guro ang kaniyang malasakit, nang bilhan niya ng bagong pangyapak ang kaniyang batang estudyante matapos mapansing sira-sira na ang ginagamit nitong sapatos.
Sa ulat ng GMA News Feed, ipinakilala ang gurong si Mexdren Funtilar Badillos o Sir Mex, na hindi na mapakali umaga pa lamang matapos mapansin ang estudyanteng si Tantan.
Ang isa kasi sa mga sapatos ng bata, wasak na wasak na.
Kaya pagkatapos ng klase, hindi na natiis ni Sir Mex na tanungin ang bata kung bakit hindi pa ito nagpapabili ng bagong sapatos sa mga magulang nito.
“Kinausap ko na siya kung bakit niya tinitiis ‘yong sapatos at doon ay sinabi niya sa’kin na para raw makatipid kasi alam daw niyang walang pera ang kaniyang mama/magulang. Nagagamit pa rin naman ayon sa kaniya,” anang guro.
Kaya si Sir Mex, agad nag-alok kay Tantan na bilhan ito ng sapatos.
Matapos i-post ng guro ang video online, dumagsa ang tulong para sa batang estudyante.
Kaya maliban sa bagong itim na sapatos, nabilhan niya rin ng rubber shoes at medyas si Tantan.
Sa dami ng nagparating ng tulong, nakatakda pang bumili ng school supplies si Sir Mex kasama ang ina ni Tantan.
Isang security guard ang ama ni Tantan samantalang housewife ang ina nito.
Huminto ang ina ni Tantan sa paghahanap-buhay para alagaan ang bunsong kapatid nito.
Samantala, mahigit apat na taon nang guro si Sir Mex, at kasalukuyang nagtuturo sa Sapinit Elementary School sa Antipolo, Rizal.
Bata pa lamang, pangarap na ni Sir Mex na magturo.
“Pinili ko po ang propesyong ito dahil naniniwala akong bawat bata ay may kakayahang magtagumpay, anuman ang estado ng kanilang buhay. Gusto kong maging isa sa mga taong naniniwala sa kanila, lalo na sa mga panahong nahihirapan silang maniwala sa kanilang sarili,” ani Sir Mex.
Para sa kaniya, mahalaga na magkaroon ang mga guro ng bukas na mata, tainga, at puso para sa mga mag-aaral.
“Hindi lahat ng bata ay kayang sabihin ang kanilang mga pinagdaraanan. Minsan, sa likod ng kanilang pananahimik ay may kuwentong naghihintay na may makinig at umunawa,” sabi ni Sir Mex.
Dagdag pa ng guro, dapat ding magkaroon ang kaniyang mga kapwa guro ng puso at malasakit para sa mga bata at para sa bayan.
“Ang tunay na pagiging guro ay hindi lamang nasusukat sa mga aral na naituro natin, kundi sa pagmamahal, pag-asa, at kabutihang naibahagi natin sa buhay ng ating mga mag-aaral,” sabi ni Teacher Mex. — VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.