60-anyos na taxi driver, sugatan nang saksakin ng pasaherong nangholdap sa kaniya sa Cebu City

Nagtamo ng mga sugat sa braso ang isang 60-anyos na taxi driver matapos siyang saksakin ng pasaherong nangholdap sa kaniya sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA news Unang Balita nitong Martes, lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagdeklara ng holdap ang pasahero bago makarating sa kaniyang destinasyon.
Ngunit nanlaban umano ang taxi driver at hindi ibinigay ang kaniyang kita.
Nang tangkaing ng suspek na lumabas sa taxi, ni-lock ng driver ang pinto at doon na siya sinaksak ng suspek gamit ang kutsilyo.
Arestado ang 29-anyos na suspek makaraang humingi ng tulong sa isang guwardiya ang biktima.
Umamin sa pulisya ang suspek, na sinabing nagawa niya ang krimen dahil sa problema sa pera.
Dinala sa ospital ang taxi driver na nagtamo ng mga sugat sa braso. -- Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.