Ex-Speaker Velasco, sasagutin ang mga alegasyon tungkol sa cash delivery sa tamang panahon, ayon sa abogado
Sinabi ng kampo ni dating House Speaker Lord Allan Velasco nitong Lunes na sasagutin nila ang lahat ng alegasyon laban sa mambabatas matapos nilang masuri ang mga dokumento. Ayon sa kanila, ngayon lamang nila pormal na natanggap ang affidavit ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr.
Humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) ang abogado ni Velasco na si Atty. Rowell Ilagan upang tugunan ang imbitasyon ng ahensya kaugnay ng alegasyon ni Gracioso na inutusan umano siya ng dating Speaker na naghatid siya ng pera kina Vice President Sara Duterte, Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte, at dating Pangulong Rodrigo Duterte, alinsunod umano sa utos ni Velasco.
“Sasagutin po namin sa tamang panahon. We will address all the allegations. So pakihintay na lang po,” sabi ni Ilagan sa isang ambush interview.
“Lahat po ng allegation sa affidavit niya, sasagutin po namin,” dagdag niya.
Sinabi ni Ilagan na handa rin silang makipagtulungan sa imbestigasyon anumang oras.
Samantala, nang tanungin kung totoo na pag-aari ni Velasco ang mga bahay na ni-raid ng mga ahente ng NBI noong Agosto, muling sinabi ng abogado na sasagutin nila ito sa tamang panahon.
“Ngayon lang po namin na-receive formally ‘yung affidavit ni Gracioso so hindi po kami puwedeng mag-issue ng ano mang statement hangga’t hindi official copy ng mga documents,” paliwanag ng abogado.
“Sa panahon po ngayon, ang dali mameke, mag fabricate ng mga ebidensya. Kaya sinasabi namin na maging mapanuri po tayo sa lahat ng alegasyon at sa lahat ng ebidensya na pinapakita sa social media kasi dapat i-test po natin ito,” patuloy niya.
Dati nang inihayag ng kampo ni Velasco na walang basehan ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Nauna nang sinabi ng Bureau of Immigration (BI), na nasa labas ng bansa si Velasco.
Sinabi rin ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na dati nang naging bahagi si Gracioso ng security detail ni Velasco noong ito pa ang Speaker of the House.
Samantala, sinabi ni VP Sara Duterte na hindi niya kilala si Gracioso at wala siyang natanggap na pera mula rito.
Sinabi naman ni dating presidential spokesperson Salvador Panelo na ang alegasyon na may mga maleta ng perang inihatid sa pamilya Duterte ay isang “fabricated story” upang mapatalsik at ma-disqualify si VP Sara Duterte sa 2028 elections. —FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.