Andap o frost, naranasan sa mga pananim sa ilang bahagi ng Benguet

Habang nararanasan sa malaking bahagi ng bansa ang matinding init na dulot ng El Niño, ilang tanim naman sa Benguet ang nabalot ng andap o frost nitong Huwebes ng umaga.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing kabilang sa mga pananim na nabalutan ng andap ay nasa Atok, Benguet dahil matinding lamig ng panahon.
Ayon sa mga residente, karaniwang nagsisimulang maranasan ang andap sa buwan ng Disyembre hanggang sa unang bahagi ng taon.
“Hindi naman siya masyadong related sa El Nino pagdating sa mga frost. Kpag ang temperature natin ay mababa, four degrees or less, yun ang isa,” ayon kay Engr. Larry Esperanza, chief, meteorological officer, PAGASA Bagiuo Station.
Sa hiwalay ng ulat ng GMA News 24 Oras, sinabi ng PAGASA na umabot sa 12.6 degrees Celsius ang temperatura sa Benguet.
Karaniwan umanong naitatala ang ganitong kababang temperatura tuwing Enero o Pebrero, sa panahon ng Northeast Monsoon o Amihan.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na may mga pagkakataong nagkakaroon ng andap sa mga halaman kahit ilang linggo na ang lumipas matapos ideklara ang pagsisimula ng Amihan season.
Posible rin itong mangyari sa panahon ng El Niño.
Idineklara ng state weather bureau ang pagsisimula ng Amihan season noong huling bahagi ng Oktubre.
Gayunman, inaasahan ng PAGASA na magiging mas mainit ang Amihan season ngayong taon kumpara sa mga nagdaang taon dahil sa nagpapatuloy na El Niño. —Jean Mangaluz/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.