Babaeng angkas sa motorsiklo, patay nang magulungan ng nakagitgitang utility van sa Antipolo

Nasawi ang isang babaeng angkas sa motorsiklo matapos siyang magulungan ng nakagitgitan nilang utility van sa Marcos Highway sa Antipolo, Rizal. Ang rider na kaniyang asawa at kasama nilang bata, sugatan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita sa video footage ang nangyaring pagkakagitgit ng van sa motorsiklo ng mga biktima sa pakurbang bahagi ng Marcos Highway, na accident-prone area umano sa Barangay San Luis nitong Martes.
Natumba ang motorsiklo at mga sakay nito, hanggang sa magulungan ng utility van ang babaeng angkas.
Ayon sa rescuer ng barangay, may suot na helmet ang rider habang hindi naman suot ng nasawing biktima ang dala nitong helmet na nakasabit sa braso.
Tumigil naman ang van at pinuntahan ng mga sakay nito ang mga biktima na mag-asawa ang dalawang-taong-gulang na babaeng anak-anakan nila.
Ayon sa 60-anyos na lalaking rider, may iniwasan siya sa kalsada nang maganap ang insidente.
“Basa po ang kalsada. Kasi pababa po ‘yun eh. Iniwasan ko lang 'yung kabilang lane. Parang lumipat na ako sa kabilang lane. Pero siya nasa likuran ko ma'am. Nagulat na lang po ako bigla na lang kami bumagsak,” kuwento ng rider.
Dead on arrival sa ospital ang 55-anyos na babaeng biktima.
“Pag-check po namin sa biktima is unconscious na po siya. Hindi na po siya nakakausap. Agad po namin siyang itinakbo sa malapit na ospital,” sabi ni Eldrich John Riola, rescuer ng Barangay San Luis.
“‘Yung driver naman po is nagkaroon po ng sugat sa paa dahil nabagsakan at umi-slide po kasi sa motor. Then po 'yung anak naman po is nagkaroon naman po ng minor injury lang,” ayon naman kay Gibson Nuesca, crew ng Barangay San Luis Rescue.
Sinabi ng pulisya na pansamantalang nadetine sa Antipolo Police Custodial Facility ang 60-anyos na driver ng utility van na sinusubukan pang kunan ng pahayag ng GMA News.
Gayunman, pinalaya din kalaunan ang driver matapos na magka-areglo ng dalawang panig, ayon sa pulisya. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.