Rekomendasyon ng LTFRB sa taas-pasahe sa PUVs, aprub sa DOTr; pamasahe sa jeep, gagawing P14

Inaprubahan ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez ang rekomendasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na taasan ang singil sa pamasahe sa mga public utility vehicle (PUVs). Ang minimum fare sa jeepney, gagawing P14 mula sa kasalukuyang P13.
Inaprubahan din ni Lopez ang rekomendasyon ng LTFRB para sa pansamantalang taas-singil sa pamasahe sa UV Express at mga taxi.
Batay sa inaprubahang taas-pasahe na inilabas noong Marso pero hindi ipinatupad, madaragdagan ng P1 ang kasalukuyang minimum na pasahe sa jeepney, at gagawing P2 naman ang dagdag sa bawat susunod na kilometro, mula sa kasalukuyang P1.80.
Basahin: Marcos, pinapreno ang DOTr sa taas-singil sa pamasahe sa PUVs
Para sa mga modern jeepney, magiging P17 ang bagong minimum na pamasahe, mula sa kasalukuyang P15, para sa unang apat na kilometro. May dagdag na P2.40 sa bawat susunod na kilometro, mula sa dating P2.20.
Sa isang memorandum ng DOTr na may petsang Setyembre 25, tumugon si Lopez sa naunang petisyon ng LTFRB hinggil sa taas-pasahe.
“Having considered the bases set out in your Memorandum, particularly the prevailing operating cost conditions in the public transport sector and the need to maintain the viability and adequacy of public transport services, the recommendation is hereby APPROVED,” saad ni Lopez.
Ipatutupad ang bagong singil sa pamasahe sa darating na Lunes, ayon sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes.
Patuloy na ipatutupad ang mandatory discounts para sa mga estudyante, senior citizen at persons with disabilities (PWD), ayon sa memorandum.
Ramdam ng mga driver at operator ang epekto ng patuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa kaguluhan sa Middle East.
Ilang bus operator na rin ang nagsabing posibleng hindi na sila makapagpatuloy sa operasyon kung hindi tataasan ang singil sa pamasahe.
Iniulat din ng mga operator ng jeepney na may ilang driver nang tumigil sa pamamasada at umuwi sa kani-kanilang probinsiya dahil hindi na sila kumikita. — may kasamang ulat mula kay Ivan Mayrina/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.