Motorcycle rider na bumangga sa nagbibisikleta, patay matapos matumba at magulungan ng truck sa Rizal

Nasawi ang isang motorcycle rider matapos siyang matumba nang bumangga sa isang nagbibisikleta at nagulungan ng kasabay na truck sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa CCTV footage na binabaybay ng biktima ang A.Bonifacio Avenue. Kasabay niya ang truck, at mayroon isang motorsiklo na nauuna sa kaniya na nakasunod naman sa nagbibisikleta.
Ilang saglit pa, iniwasan ng motorsiklong nasa unahan niya ang nagbibisikleta at nagawang makasingit at makapag-overtake sa truck.
Samantalang nagdiretso sa pag-arangkada ang biktima, at nabangga na ang nagbibisikleta na nasa unahan, at pareho silang natumba.
Ligtas ang nagbibisikleta pero minalas na nagulungan ng truck ang rider at kaagad na nasawi.
Inaresto ang driver ng truck na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
Humingi ng paumanhin ang driver ng truck at sinabing hindi niya alam na tao ang nagulungan ng kaniyang sasakyan. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.